Ray Ray Parks ipaparada ng bulldogs ngayon
MANILA, Philippines - Kung ano ang bangis na taglay ng National University ay malalaman ngayon sa pagsabak nila sa laro sa 74th UAAP men's basketball sa Araneta Coliseum.
Ipaparada na ng Bulldogs ang bagong alagad na si Bobby Ray Ray Parks sa pagbangga nila sa UST sa unang bakbakan ganap na ala-1 ng hapon at pakay nila na makasalo sa lideratong pansamantalang pinagsasaluhan ng pahingang Ateneo at FEU.
Wakasan ang bangungot ng 73rd season naman ang inaasinta ng UP sa pagharap sa UE sa tampok na laro sa ganap na alas-3.
Dumanas ng mapait na 0-14 karta ang Fighting Maroons sa nagdaang taong edisyon pero tiwala ang bagitong coach na si Ricky Dandan na iba ang taglay na pag-uugali ng manlalaro ng koponan sa taong ito.
"The first word I told them was change. I'd like to think that coming into this season, we will be displaying a positive mindset," wika ni Dandan.
Babalik naman sa koponan ang mga kamador na sina Mike Silungan at Mike Gamboa at lumakas sila sa pagkuha sa serbisyo ni 6-foot-9 center Alinko Mbah para makapalit ng nawala na sa koponan na si 6’7 Magi Sison.
Si Jerry Codiñera naman ang uupo bilang bench tactician ng Warriors sa taong ito at pilit niyang ibabalik ang dating magandang reputasyon ng paaralan na huling nagkampeon noong 1984 at 85th season na kung saan ang 6'6 dating PBA player katuwang ang ‘Triggerman’ na si Allan Caidic ay naglalaro pa.
Wala na sina Paul Lee at Ken Acibar pero gusto niya ang nakita sa off season dahil iba iba ang manlalarong lumalabas para pangunahan ang kanilang koponan.
Walong manlalaro ang nawala mula sa nagdaang taong koponan na tumapos sa 7-7 karta.
Pero marami ang nagsasabing dark horse ang Bulldogs dahil sa pagdating ni Parks bukod pa sa pagpasok ng dating PBA at national coach Eric Altamirano bilang mentor ng koponan matapos manilbihan bilang consultant sa huling dalawang season.
Babalik rin sa koponan ang 6'7 Emmanuel Mbe na pumangalawa sa tagisan sa MVP at kinuha ang Rookie of the Year sa 73rd season, habang inaasahang huhusay pa ang mga tulad nina Cederick Labing-Isa, Glenn Khobuntin at Joseph Terso.
"This is a completely different team from last year but we expect to make our school proud. Ang isang problema ko lamang, di tulad sa ibang teams, ang mga second year player ko tulad ni Mbe ang siyang magbibigay ng leadership sa team at sana ay makaya nila ito," wika ni Altamirano.
Wala naman sa UST ang 3-point specialist na si Clark Bautista pero palaban pa rin ang tropa ni coach Alfredo Jarencio.
Sa women’s basketball kahapon, tinalo ng Ateneo Lady Eagles at UP Lady Marrons ang kani-kanilang kalaban.
Binigo ng Lady Eagles ang NU Lady Bulldogs, 51-39, habang iginupo ng Lady Maroons ang UE Lady Warriors, 64-52.
- Latest
- Trending