EAC aasinta ng panalo sa JRU
MANILA, Philippines - Mapabilang sa mga koponang hindi pa natatalo sa liga ang hangad ng Emilio Aguinaldo College sa pagbabalik aksyon ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Makikipagbunuan ang Generals sa Jose Rizal Heavy Bombers sa unang bakbakan ganap na alas-2 ng hapon at makakasalo sila sa pahingang Letran at San Beda sa ikalawang puwesto sakaling manalo uli sa kanilang asignatura.
Papasok sa laro ang Generals mula sa 81-73 panalo sa Arellano University at naipakita ng tropa ni coach Gerry Esplana ang kanilang kakayahan na maglaro ng may pressure matapos mapag-iwanan muna ng Chiefs.
Ang Heavy Bombers naman ay magnanais na makapasok na sa win column matapos mabigo sa naunang dalawang laro.
Tila iniinda ng tropa ni sophomore coach Vergel Meneses ang pagpapakawala sa mga Nigerian players na sina Joe Etame at John Nchotu Njei dahil walang makuhang solidong laro sa mga naiwang locals para lasapin ang 67-73 at 77-86 kabiguan sa kamay ng San Sebastian College at Arellano University.
Si Elyzer Paguia na hindi masyadong nagamit sa off season ang siyang mangunguna para sa Generals sa pagsungkit ng ikalawang panalo.
Samantala, mag-uunahan naman ang Mapua at College of St. Benilde na makahagip ng kanilang unang tagumpay sa pagkikita sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Si Allan Mangahas na nagpakita ng husay sa D-League, ang aasahan sa pagpuntos pero dapat na magtrabaho ang mga malalaking manlalaro ng Cardinals tulad ni Mark Sarangay dahil hindi maglalaro ang Fil-Palestinian center na si Yousef Taha matapos suspindihiin ng liga bunga ng pambabato ng bola sa isang inbound play kay Letran guard Kevin Alas nang lasapin ng koponan ang 65-76 pagkatalo.
- Latest
- Trending