MANILA, Philippines - Sa pag-upo ni import Curtis Stinson dahil sa isang right knee injury, si Mark Caguioa ang umaktong reinforcement ng Barangay Ginebra.
Sumasakay ngayon ang Gin Kings sa isang two-game winning streak at ito ay mula na rin sa magandang inilalaro ng tinaguriang “The Spark” sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup.
Dahil sa kanyang pamamayani, tinanghal si Caguioa bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Ang 2011 PBA Rookie of the Year awardee ang gumiya sa Ginebra sa mga panalo laban sa Air21 at B-Meg upang ilista ang 4-2 rekord katabla ang Talk 'N Text at Rain or Shine sa ikalawang puwesto sa ilalim ng semifinalist Petrron Blaze (5-2).
Nagtala si Caguioa ng mga averages na 20.0 points, 5.0 rebounds, 4.5 assists at 1.0 steals sa nasabing dalawang sunod na ratsada ng mga crowd favorites.
“That’s what we’re known for. Lahat naman ng Ginebra players play their hearts out,” paliwanag ni Caguioa matapos pagbidahan ang tagumpay ng Gin Kings sa Llamados noong Linggo.
Sa 89-87 panalo ng Ginebra sa Air21 noong nakaraang Biyernes, nakatuwang ni Caguioa sina Ronald Tubid, Eric Menk, Billy Mamaril, Willy Wilson, Mike Cortez at 2008 MVP Jayjay Helterbrand.
Umiskor is Caguioa ng game-high 21 points at naglista ng 6 rebounds at 3 assists para sa Gin Kings laban sa Express, samantalang nagposte naman siya ng 19 points, 6 assists at 5 rebounds sa 89-85 paggupo sa Llamados.
Tinalo ni Caguioa para sa naturang rekognisyon sa season-ending tournament sina Petron Blaze forward Arwind Santos at kakamping si Tubid.