7 gold sa soft tennis players
MANILA, Philippines - Humataw uli ang mga soft tennis players ng bansa nang manalo sila ng pitong ginto sa dalawang kompetisyong nilahukan kamakailan.
Apat na ginto ang kinuha ng Pambansang koponan na inilaban sa Thailand Open habang tatlo pa ang binitbit ng Pambansang koponan sa 2011 Association of Southeast Asian National Soft Tennis Championships sa Vientiane, Laos.
Sina Joseph Arcilla at Bien Zoleta ang namuno sa Thailand nang walisin nila ang singles titles.
Si Arcilla ay nakipagtambal pa sa mas batang kapatid na si Jomar para manalo sa men’s doubles habang sina Divine Escala at Josephine Paguyo ay nanalo sa kababaihan.
Ang magkapatid na Arcilla kasama sina Samuel Noguit, Jopy Mamawal at Mikoff Manduriao ay nangibabaw sa men’s team, sina Zoleta at Noguit ay nanalo sa mixed doubles at Cheryl Macasera at Deena Cruz sa women’s doubles na nagawa sa Laos.
Pinuri ni Philippine Soft Tennis Association president Col. Antonio Tamayo ang ginawa ng inilabang koponan na umano ay patunay na may kinabukasan ang bansa sa nasabing sports discipline.
“We’re proud of our team’’s accomplishments that’s why we’re trying to strengthen our program in the grassroots to continue our gains made in international competitions,” wika ni Tamayo. Para mapalakas ang pagtuklas ng mga bagong talento, ang soft tennis ay ilalaro na rin sa NCAA. (Vernie Fuentes-trainee)
- Latest
- Trending