Lions susubukan ang tibay ng Pirates
MANILA, Philippines - Masusukat ngayon ang tibay ng guest team na Lyceum sa pagbangga sa nagdedepensang San Beda sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan.
Bumabandera ang Pirates kasama ang Letran at San Sebastian pero ang Lions ang unang mabigat na koponan na kanilang haharapin sa laro na itinakda ganap na ika-4 ng hapon.
“Nasuwertehan namin na maganda ang schedule ng mga laro namin. Morale booster ang mga nakuhang panalo at alam kong lalaban ang mga players para ipakita ang kanilang kakayahan,” wika ni Pirates coach Bonnie Tan na humugot ng panalo sa St. Benilde, 75-63, at host University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD),93-87.
Ang Lions naman ay papasok sa laro mula sa dominanteng 82-52 pananaig sa Altas sa pagbubukas ng liga nitong Hulyo 2.
Ito ang pang-19 sunod na panalo ng tropa ni coach Frankie Lim matapos ang 18-0 sweep tungo sa kampeonato noong nakaraang taon.
Alam ni Lim na angat ang kanyang koponan kung karanasan ang pag-uusapan pero hindi ito garantiya na mananalo sila sa Pirates.
Mauuna namang magtangka sa kanilang ikatlong sunod na panalo ang San Sebastian Stags sa pagharap sa Altas sa unang laro ganap na ika 11:45 ng tanghali.
Patok ang bataan ni coach Topex Robinson matapos kunin ang 73-67 at 86-78 tagumpay sa mga koponan ng Jose Rizal University at St. Benilde ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending