FEU, Ateneo Nakauna
MANILA, Philippines - Ipinakita ni Greg Slaughter ang bagay na kanyang maibibigay nang kanyang balikatin ang 3-peat champion Ateneo sa dikitang 55-51 panalo sa Adamson sa pagsisimula kahapon ng 74th UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Limang puntos ang ginawa ng 7-footer rookie sa huling 6:55 ng labanan at ang kanyang presensya ay sapat na para hindi na makapuntos pa ang Falcons upang tulungan ang Eagles na mapalawig sa 29 ang pagpapanalo sa katunggali.
Ang tres ni Roider Cabrera na nasundan pa ng tip-in ni Lionel Manyara ang nagbigay ng 51-44 bentahe sa Adamson upang mamuro ang koponan na makapanalo uli sa Eagles na huling nangyari noon pang Setyembre 18, 1997.
Pero ibinalik ni coach Norman Black si Slaughter at agad na nanalasa sa pamamagitan ng kumpletong 3-point play na nagpasiklab sa 11-0 endgame run.
Ang dalawang freethrows ng kasapi ng Smart Gilas ang nagtabla sa laro sa 51 bago ang kanyang outlet pass kay Kirk Long ang nagbigay ng kalamangan dahil natawagan ng goal tending si John Brondial.
Tuluyang tinapos ni Slaughter ang dominanteng paglalaro nang supalpalin ang drive ni Lester Alvarez bago tiniyak ni Eman Monfort ang panalo sa pagpasok ng dalawang free throws.
Sa kabuuan, si Slaughter ay nagtapos taglay ang 23 puntos, 8 rebounds, 2 assists at 2 blocks upang ipantay ang Eagles sa FEU na unang humirit ng 74-65 panalo sa La Salle sa unang tagisan.
Nagbaga ang opensa ni RR Garcia nang maghatid ito ng 17 sa kabuuang 21 puntos sa second half para makakawala ang Tamaraws sa first half.
ADMU 55--Slaughter 23, Long 10, Salva 8, Monfort 6, Erram 3, Gonzaga 3, Austria 2, Ravena 0, Tiongson 0.
AdU 51--Nuyles 11, Alvarez 8, Cañada 6, Camson 6, Cabrera 6, Manyara 5, Lozada 3, Brondial 2, Colina 2, Etrone 2.
Quarterscores: 16-12; 33-27; 43-44; 55-51.
- Latest
- Trending