Hindi kaya pagsisihan ng B-Meg ang pagpapalit ng import sa kalagitnaan ng elimination round ng PBA Governors Cup?
Kasi nag-animo ‘ningas cogon’ si Darnell Hinson na humalili sa original import nilang si Stefon Hannah bago tumulak tungong Dubai, United Arab Emirates ang Llamados para sa kanilang laban kontra Grand Slam-seeking Talk N Text.
Aba’y pinabilib kaagad ni Hinson ang coaching staff, management at fans ng B-Meg nang tulungan niya ang Llamados na talunin ang Talk N Text, 111-105 sa Al Shabab Sports Club.
Iyon ang unang kabiguang sinapit ng Tropang Texters sa torneo. Kaya naman maraming papuri ang inabot ni Hinson.
Sa kanyang debut, si Hinson ay nagtala ng 26 puntos, sampung rebounds, dalawang assists at tatlong errors sa 42 minuto. So, siyempre sinabi ni coach Jorge Gallent na maganda ang kanilang kinabukasan ngayong dumating si Hinson.
Bago dumating si Hinson ay tinulungan ni Hannah ang Llamados na tambakan ang Meralco Bolts, 104-92 noong Hunyo 26 sa The Arena.
Sa larong iyon, si Hannah ay kumamada ng 23 puntos, tatlong rebounds, tatlong assists at apat na steals sa pag-asang manatili bilang import ng Llamados.
Aminado naman si Gallent na yun ang pinakamagandang performance ni Hannah, isang Most Valuable Player sa NBA D-League Finals kung saan naglaro siya sa Iowa Energy.
Tatlong games din kasing hinintay ni Gallent na pumutok si Hannah. Pero nang nangyari na nga, tila pinagsawaang bigla ni Gallent si Hannah.
Ani Gallent matapos ang panalo kontra Meralco, “We cannot wait for another three games before Hannah comes up with another good game.”
So, doon pa lang ay alam na ng lahat na last game na ni Hanah iyon kahit pa tila nakapag-adjust na siya at pataas na ang kanyang performance. Wala na si Hannah.
Tiyempo namang maganda ang first game ni Hinson kaya naging justified ang pagpapalit.
Pero matapos ang super perfromance na iyon, aba’y biglang bumagsak ang laro ni Hinson kontra Petron Blaze noong Miyerkules. Sa larong iyon, si Hinson ay nagtala lang ng limang puntos bukod sa tatlong rebounds, limang assists, dalawang steals, isang blocked shot at tatlong errors sa 43 minuto.
Nagpasok siya ng isa sa walong three-point attempts (912.5 percent), nagmintis sa dalawang field goals at nagpasok ng dalawa sa limang freethrows.
Iba na ang ring sa Dubai kaysa sa Araneta Coliseum? O na-scout na mabuti ni Petron Blaze coach Renato Agustin si Hinson?
Hayun at nagwagi ang Petron, 87-84 upang makamit ang solo second place.
Aba’y kailangang makabawi agad si Hinson sa kanyang masagwang performance. Kailangang magpakitang-gilas ulit siya bukas sa laro ng B-Meg kontra Barangay Ginebra. Kasi, kung ganoon pa rin ang kanyang isusumiteng numero, malamang na mahirapan ang Llamados sa Gin Kings lalo’t makakatapat ni Hinson si Curtis Stinson na isa sa frontrunners para sa Best Import award.
Tuloy, may nagsasabing dapat ay pinagtiyagaan na lang ng B-Meg si Hannah dahil pataas na ang laro nito.