MANILA, Philippines - Handang-handa na ang triathlete na si Noy Jopson sa paglahok sa Cobra Energy Drink Ironman 70.3 Philippines sa Agosto 14 sa Camsur Watersports Comples sa Camarines Sur.
Si Jopson ang kampeon sa elite sa hanay ng mga Filipino triathletes noong 2009 at nais niyang mabawi ang titulong naisuko noong nakaraang edisyon kay Neil Catiil.
“Umabot na sa 18 hanggang 20 hours ang ginugul ko sa pagsasanay sa loob ng isang linggo,” ani Jopson.
Makasaysayan ang edisyong ito dahil ang mangungunang 30 triathletes ay ipadadala sa Ironman World Championship sa Kona, Hawaii sa Oktubre.
Si Jopson at si Catiil ay ilan sa mga napapaboran na masama sa World event at ginawa sila bilang brand ambassador ng Cobra Energy Drink.
“This is a rare opportunity for us to compete in the world championships and we’re helping these guys achieve the feat,” wika ni Cobra brand manager Jay Mendoza na nakasama sina VP for marketing Hubert Tan at marketing manager Abe Cipriano sa paglulunsad ng torneo.
Tinatayang papalo sa 1,100 triathletes mula sa 28 bansa ang sasali kasama rito ang nagdedepensa sa kalalakihan na si Pete Jacobs ng Australia at women’s champion na si Magali Tisseyre ng Canada.
Ang iba pang bigating triathletes na dapat tutukan sa hanay ng mga dayuhan ay sina Cameron Brown, Justin Granger, Luke Gillmer, Belinda Granger, Luke Mckenzie, Amanda Stevens at national triathlon team foreign coach Dan Brown.
Si Brown ang posibleng maging karibal ni Tisseyre dahil napanalunan nito ang 70.3 race sa Korea nito lamang Hulyo 3.