Manila, Philippines - Sa kabila ng mas mataas na ranking ng Kuwait sa FIFA, kumpiyansa pa rin si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia sa tsansa ng Philippine Azkals para sa second round ng 2014 FIFA World Qualifiers.
“Bilog ang bola. Mas mataas ang ranking ng Kuwait. But we have seen upsets, we have seen stronger team losing to a weaker team,” wika kahapon ni Garcia. .
Kasalukuyang No. 102 ang Kuwait sa FIFA rankings, samantalang No. 159 naman ang Azkals.
Tinalo ng Azkals ang Sri Lanka Brave Reds, 5-1, sa first round upang makasagupa ang Kuwait sa second round ng Asian Qualifiers para sa 2014 FIFA World Cup na idaraos sa Brazil.
Matapos ang 1-1 draw sa first leg sa Colombo, Sri Lanka, inilampaso naman ng Azkals ang Brave Reds, 4-0, sa second leg noong nakaraang Linggo sa Rizal Memorial Football Stadium sa Vito Cruz, Manila.
Ginulantang na ng Azkals ang bigating Vietnam sa 2010 AFC Suzuki Cup upang makapasok sa semifinal round bago tinalo ng Indonesia sa dalawang laro sa Jakarta.
Ang Kuwait ang pinakamalakas na koponan na makakasagupa ng Azkals matapos ang Thailand (123), Indonesia (132), Vietnam (140), Singapore (142), Malaysia (144), Sri Lanka (171) at Mongolia 179.
Nakapaglaro na ang mga Kuwaitis sa World Cup Finals noong 1982 sa Spain na pinagharian ng Italy laban sa West Germany, 3-1.
Nakatakda ang first leg ng banggaan ng Azkals at Kuwait sa Hulyo 23 sa Kuwait kung saan hindi makakalaro ang mga nasuspindeng sina team skipper Aly Borromeo at striker Stephan Schrock dahil sa mga yellow cards na kanilang natanggap sa home game laban sa Brave Reds.