SMBeer lalaro sa ABL
MANILA, Philippines - Titibay ang hangarin ng Pilipinas na mabawi ang titulo sa ASEAN Basketball League (ABL) na ang ikatlong season ay bubuksan sa Enero.
Dalawang koponan na ang kakatawan sa Pilipinas sa regional basketball league matapos ang paglahok ng San Miguel Beermen.
Limang taon ang itatagal ng SMC sa ABL at ito ay kanilang pinagtibay sa paglagda sa kontrata sa pagitan nina SMC President at CEO Ramon Ang at league president Erick Thohir na ginawa sa SMC office sa Ortigas.
Makakasama ng Beermen ang Philippine Patriots na nabigo sa asam na ikalawang sunod na kampeonato nang walisin sila ng Chang Thailand Slammers noong nakaraang season.
Tiniyak naman ni Ang na hindi magkakaroon ng problema ang pagpasok nila sa ABL kasama ang Patriots na pag-aari naman ni Mikee Romero ng Harbour Centre.
“Parang pamilya ang turing ko kay Mikee. Kasama ko rin siya sa negosyo at siya pa nga ang nag-imbita sa amin na sumali sa ABL. Kaya walang problema ang pagkakaroon ng dalawang teams sa Pilipinas dahil magtutulungan kami,” wika ni Ramon Ang, ang Pangulo at CEO ng San Miguel Corporation nang pormal na ianunsyo ang paglahok nila sa ABL sa tanggapan ng SMC sa Ortigas.
May tatlong koponan na sa PBA, nagdesisyon pa ang SMC na sumali sa ABL dahil sa magandang oportunidad na maipalaganap ang kanilang prudukto bunga ng patuloy na paglakas ng liga sa South East Asia.
Pero hindi mangangahulugang kontento na sila rito dahil bubuo sila ng malakas na koponan na hahawakan naman ni dating PBA 7-time Best Import awardee Bobby Parks.
Ang Beermen ang ikapitong koponan na kasali sa ABL dahil bukod sa Patriots ay inaasahang babalik din ang nagdedepensang Slammers, Satria Muda BritAma ng Indonesia, KL Dragons, Singapore Slingers at Brunei Barracudas.
Posibleng lumawig pa sa walo ang kasali dahil may kinakausap pang mga interesadong kumpanya ang ABL.
Inihayag naman ni Parks na balak niyang bumuo ng running team na kaya ring makapag-execute sa end game.
- Latest
- Trending