JAKARTA, Indonesia – Matapos ang masiglang panimula, dalawang panalo at dalawang talo ang natikman ng PLDT-ABAP national team sa 21st President's Cup International Boxing Championship dito sa Senayan Indoor Stadium.
Nauna nang nagtala ng panalo sina Josie Gabuco sa women’s 48 kilogram class, Analisa Cruz sa 51kg category at Ian Clark Bautista sa men's 49kg.
Naglista rin ng tagumpay si Nico Magliquian, ang 18-anyos na naging sparring partners ng mga national boxers sa ABAP gym sa Rizal Memorial Sports Complex, laban kay Mohammad Solihin Nordin ng Singapore, 26-4, sa 52kg.
Sinundan ito ng panalo ng 19-anyos na si Nathaniel Montealto kay Khir Anyazlan ng Malaysia, 14-8.
Minalas naman sa kani-kanilang mga laban sina Edilio Abrea ng Southern Leyte at Mico Brina.
Natalo si Abrea kay Afghan Ajmal Faisal, 11-16, samantalang nabigo si Brina kay 69kg European champion Alexander Klinkov ng Russia.
Isang left straight ng 24-anyos na si Faisal ang nagpabagsak sa 19-anyos na si Abrea, anak ng isang retired police officer mula sa Surigao at nanirahan sa United States nang siya ay 10-anyos.
Kabuuang 28 teams mula sa 26 bansa ang kalahok sa naturang torneo.
Nakatakdang labanan ni Bautista si Alexander Samoylov, ang 24-anyos na Russian na natalo kay ABAP boxer Gerson Nietes sa 2009 King's Cup sa Bangkok.
Makakatapat naman ni Magliquian si Nguyen Van Hai of Vietnam at haharapin ni Montealto sa 64kg category si Denny Hutasoit ng Indonesia.
Sasabak sa una nilang laban sina team captain Charly Suarez laban kay Kenji Fujita ng Japan sa 60kg at Nesthy Petecio sa 54kg kontra kay Mongolian bet Shinetsetseg Davaasuren.