MANILA, Philippines - Naplantsa na ang problema sa eligibility nina Bobby Ray Parks, Jr. ng National University at Greg Slaughter ng Ateneo matapos katigan ng UAAP Board ang paglalaro nila para sa 74th UAAP season.
Napatunayan ng mga kinatawan ng NU na nagtungo ang ina ni Parks na si Marifer Barbosa sa United States noong 2003 para magtrabaho at suportahan ang kanyang pamilya.
Kasama sa ipinakita ay ang pasaporte nito, employment certificate at authentic document mula sa Philippine Consular office sa Los Angeles na nagpapatunay na nagtatrabaho si Barbosa.
“Malaking bagay si Parks sa amin at masaya ang NU community sa paglalaro niya sa team,” wika ni NU athletic moderator Junel Baculi.
Ang 6-foot-11 namang si Slaughter ay naglaro sa Smart Gilas national team sa 2011 PBA Commissioner’s Cup.
Hindi sumali sa botohan ang Ateneo pero apat sa pitong bumoto ang nagsabing dapat pahintulutan si Slaughter na makalaro sa liga.
Kailangan namang maipakita nina Cameroonian center Karim Abdul ng UST at Nigerian Alinko Mbah ng UP ang sertipikasyon mula sa kanyang Consulate hanggang sa pagtatapos ng first round elimination.