Ipinaubaya na sa UAAP board
MANILA, Philippines - Ibinibigay na lamang ng mga koponang may kuwestiyonableng players ang kapalaran ng kanilang manlalaro sa kamay ng UAAP board na magpupulong ngayon para resolbahan ang kanilang eligibility.
Sina 6’11 Smart Gilas player Greg Slaughter, 6’4 Bobby Ray Parks Jr. at 6’6 Karim Abdul ang sasalang sa masusing usapin sa hanay ng UAAP board ngayon kung makakalaro ba o hindi sa 74th UAAP season.
Sina Parks at Slaughter na nakapaglaro na sa Pambansang koponan ay nasa balag ng alanganin pa bunga ng two-year residency na ipinaiiral ng liga.
Ang 6’4 na si Parks na ipinanganak sa bansa at nanirahan hanggang sa edad 13 bago tumulak sa US dahil ang mga magulang ay nagkatrabaho roon, ay kumatawan sa Pilipinas sa World Youth Games sa Singapore noong nakaraang taon.
Si Slaughter naman ay kasapi ng Gilas na naglaro sa iba’t ibang malalaking torneo sa labas ng bansa.
Ang Cameroonian na si Abdul naman ay hinihingan ng authentication ng birth certificate mula sa kanyang bansa
Nauna ng nagpulong ang eligibility committee na pinamumunuan ni Dean Lailani Gonzalo at ang kanilang rekomendasyon ay ipapasa sa board para sa pinal na pagsang-ayon o apela.
- Latest
- Trending