WIMBLEDON, England — Ginitla ni Petra Kvitova si Maria Sharapova, 6-3, 6-4, upang angkinin ang kauna-unahan niyang Grand Slam title sa Wimbledon.
Ginamit ni Kvitova ang kanyang malalaking left-handed groundstrokes para talunin si Sharapova.
“I was surprised how I was feeling on the court,” sabi ni Kvitova. “Because I was focused only on the point and on the game and not on the final.”
Bagamat maraming nangamba na hindi kakayanin ng eighth-seeded na si Kvitova ang setting at pressure, kumpiyansa naman sa ang kanyang coach na si David Kotyza.
Bago ang Wimbledon noong 2010, ang career record ni Kvitova sa grass ay 0-4. Ipinoste niya ang 16-2 matapos ito kasama ang pagpasok sa semifinals noong nakaraang taon kung saan siya natalo kay Serena Williams.
Ang 21-anyos na si Kvitova ang naging pinakabatang Wimbledon champion matapos si Sharapova noong 2004 sa edad na 17-anyos.
Si Kvitova ang unang Czech na umangkin sa titulo makaraan si Jana Novotna noong 1998. Siya rin ang ikatlong left-handed woman netter na nagwagi sa grass-court Grand Slam tournament. Ang huli ay si Martina Navratilova, kinuha ang kanyang pang siyam na Wimbledon title noong 1990.