MANILA, Philippines - Umabot sa 13,000 ang mga taong nagtungo sa Rizal Memorial Football Field para ipakita ang paniniwala nila sa kakayahan ng Azkals.
Hindi naman sila nabigo dahil nailabas ng pambansang koponan ang kanilang matatalim na pangil tungo sa 4-0 panalo sa Sri Lanka at makaabante na sa second round ng 2014 World Cup Asian Qualifier laban sa Kuwait.
“The Azkals proved something, that they can play also the best football in this country,” wika ni Mariano Araneta na pangulo ng Philippine Football Federation (PFF).
Nagawang isantabi ni Phil Younghusband ang tinamong hamstring injury sa unang tagisan sa Colombo na nauwi sa 1-1 draw nang makaiskor ito ng dalawang goals, habang tig-isa naman ang ibinigay nina Chieffy Caligdong at Angel Guirado.
Unang goal ay hatid ni Caligdong sa 19th minute lamang at dalawang minuto bago natapos ang first half ay angat na sa 2-0 ang host team buhat sa goal ni Younghusband.
Hindi nagkumpiyansa ang Azkals at ipinagpatuloy ang pag-atake bukod pa sa matibay na depensa.
Si Guirado ang umako ng ikatlong goal nang malusutan ang Brave Reds goalie bago si Younghusband ang tumapos sa iskor ng Pilipinas sa isang free kick.
Hindi naman na nakasama sa post game interview si Younghusband dahil itinakbo siya sa ospital para lapatan ng lunas ang matinding cramps na umatake sa kanya dahil sa tindi ng ipinakita.
“We open the knot. It was a deserve score we have quality players and I’m happy we showed what they can do,” wika ni German coach Hans Michael Weiss.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay nagtala ng 5-1 panalo sa Sri Lanka na inamin namang mas mahusay ang Azkals kesa sa kanilang koponan.
“This is just the start, we got long ways to go,” wika naman ni team skipper Aly Borromeo.
Ang laro sa Kuwait ay itinakda sa Hulyo 23 at 28 at unang gagawin ang laban sa balwarte ng kalaban bago ibalik sa Rizal Football Field sa home game ng Azkals.
Nabigyan ng mga yellow cards sina Borromeo at Stephan Schrock at sinasabing posibleng hindi makalaro sa first leg sa Kuwait.
Pero hihintayin na muna ni Weiss ang opisyal na pahayag ng FIFA bago gumawa ng aksyon.
Laban sa Kuwait, dapat naman umanong higpitan pa ang depensa dahil di hamak na mas mataas ang kalidad ng mga ito kumpara sa Sri Lankans.
Idinaan naman ni Angel Locsin ang kanyang kasiyahan sa Twitter.
“Woohoooo!!!! Congratulations #azkals!!!!!!!”