Manila, Philippines - Minalas na naisablay ni dating World 9-ball at 8-ball champion Ronato Alcano ang two-ball sa 23rd rack para lumasap ng 11-13 kabiguan kay Yukio Akakariyama ng Japan sa pagtatapos ng 2011 World 9-ball Championship sa Al Sadd Sports Club, Doha, Qatar nitong Sabado ng gabi.
Libre sa side pocket ang 2-ball pero sa di malamang kadahilanan ay naisablay ito ng beteranong Filipino cue artist.
Hindi na nagpabaya pa si Akakariyama at kinuha ang rack at sa kanyang sargo sa 24th rack ay kalat ang bola para sa madaling run-out.
Ito ang unang world title ng 36-anyos na si Akakariyama at nakumpleto nito ang hindi niya nagawa nang lumahok sa World 10-ball Championship sa Manila at sa China Open sa Shanghai nang makapasok lamang ito sa semifinals sa una at tumapos lamang sa ikalimang puwesto sa huli.
“Apat na easy shots ang naisablay ko, paano ako mananalo,” wika ni Alcano na nasuportahan ng malaking bilang ng mga OFW na nasa Doha.
Si Akakariyama ang lalabas na ikatlong Japanese pool player na nagkampeon sa World 9-ball matapos nina Takeshi Okumura at Kunihiko Takahashi.
Si Okumura ay nanalo noong 1994 sa Chicago habang noong 1998 sa Taiwan naman nangibabaw si Takahashi.
“After the World 10-ball championship, I went back home and trained hard. I had too much confidence into this championship,” pahayag naman ni Akakariyama.
Halagang $36,000 ang naibulsa rin ng Japanese champion habang $18,000 naman ang premyong nakuha ni Alcano.
Nakapasok si Akakariyama sa race to 13 finals nang talunin si Mark Gray ng England sa dikitang 11-10 habang si Alcano ay nanaig sa kababayan at World 8-ball Champion na si Dennis Orcollo sa dikitang iskor na 11-9.
Hindi man pinalad ay nakapag-uwi naman sina Gray at Orcollo ng tig-$10,000 premyo.