Manila, Philippines - Huhugot ng karagdagang puwersa ang Philippine Azkals sa inaasahang mag-uumapaw na panatiko na sasaksihan ang kanilang home game kontra sa Sri Lanka sa 2014 FIFA World Cup Asian qualifier sa bagong kumpuning Rizal Memorial Football Stadium.
Ganap na alas-3:30 ng hapon itinakda ang labanan at kailangang magpakitang-gilas ang Azkals matapos masuwertehan nilang makatabla sa Brave Reds sa unang laro na ginanap sa Colombo nitong nagdaang Miyerkules.
Kailangan lamang ng host team na makipag-scoreless draw sa dayong koponan para makuha ang karapatang makaabante sa second round kalaban ang Kuwait.
Binibilang sa serye ang away goals kaya’t matatalo ang Sri Lanka kung walang makaiskor sa dalawang koponan sa tagisang ito.
Ngunit kung mauwi sa 2-2 o higit pa ang tablang iskor, ang bisitang koponan ay aabante at mamamaalam na ang Pilipinas.
Hindi pa nakakaabante ang Pilipinas sa isang World Cup qualifier at isa ito sa nagtutulak sa bawat Azkals na ibigay ang lahat ng makakaya para makuha ang makasaysayang tagumpay.
“Isa lamang ang gusto ng mga Filipino, ang manalo ang Azkals sa Sri Lanka. At ito ang ipinangakong gagawin nila sa larong ito,” wika ni team manager Dan Palami.
Taliwas sa pinangangambahan, maglalaro ang striker na si Phil Younghusband na inilabas sa laro sa Colombo bunga ng pananakit uli ng kanyang hamstring injury.
Nagsanay si Younghusband kasama ng ibang kasapi ng koponan kahapon at handa nang ipakita uli ang liksi sa field ngayong hapon.
Wala namang balak na baguhin sa ipaiiral na diskarte ng Azkals si German coach Hans Michael Weiss sa larong ito.
“We will continue to attack and pressure them from start to finish. We are looking forward to play against a strong opponent and hopefully we can succeed it the next leveL,” wika ni Weiss.
Ang Brave Reds ay nagsagawa rin ng pagsasanay kahapon at kahit sila ay kumbinsido sa tsansang manalo para makaabante sa second round.
Hindi epektibo ang magiging mainit na suporta na ipakikita ng halos 12,000 manonood dahil alam na umano ng Sri Lankans ang dapat na asahan ngayong sa Pilipinas gagawin ang labanan.