Manila, Philippines - Ang host University of Perpetual Help-Dalta System ang kaagad na makakalaban ng nagdedepensnag San Beda College sa pagbubukas ng 87th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Magtatagpo ang San Beda at ang Perpetual ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng San Sebastian College at Jose Rizal University sa alas-4 at ang banggaan ng Letran College at Mapua Institute of Technology sa alas-6 ng gabi.
Sa pag-upo ni 6-foot-7 American import Sudan Daniel sa kabuuan ng 87th season dahilan sa ACL (anterior cruciate ligament) injury, sinabi ni coach Frankie Lim na isa itong magiging hamon para sa Red Lions.
“It would be a very challenging season because we’re coming off a historic season last year but everybody is raring to go,” wika ni Lim sa San Beda.
Isang 18-game sweep ang ipinoste ng Red Lions noong nakaraang season upang angkinin ang NCAA crown laban sa Stags.
Bukod kina Garvo Lanete, Dave Marcelo, Jake Pascual at kambal na sina David at Anthony Semerad, ipaparada rin ng Mendiola-based cagers si rookie Baser Amer, dating high school MVP na tumulong sa San Beda Cubs sa pag-angkin sa 2010 NCAA juniors title.
Hangad ng Red Lions ang kanilang pang 17th NCAA championship na mag-aangat sa kanila mula sa pagkakatabla sa Knights sa pagkakaroon ng tig-16 titulo.
Si dating San Sebastian pointguard Topex Robinson ang siya namang gigiya sa Stags sa pagsagupa sa Heavy Bombers sa ikalawang laro.