Phil may injury, 'di makakalaro vs Sri Lanka
Manila, Philippines - Bunga ng isang hamstring injury na kanyang natamo noong Miyerkules, hindi makikita sa aksyon si Filipino-British striker Phil Younghusband sa home game ng Philippine Azkals kontra Sri Lanka Brave Reds bukas sa Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz, Manila.
“Kapag mabilis tumakbo masakit... I pray that I get better, malungkot ako,” sabi ni Younghusband.
Hindi rin nakalaro si Younghusband sa kanilang laban ng Mongolia Blue Wolves para sa 2012 AFC Challenge Cup noong Marso bunga ng kanyang right hamstring injury.
Si Younghusband ay may tatlong goal attempts laban sa Brave Reds sa kanilang away match sa Colombo, Sri Lanka noong Miyerkules para sa 2014 FIFA World Cup qualifying stage.
Ang naturang laban ay nauwi sa 1-1 draw mula sa free kick ni Chathura Gunaratne sa 40th minute para sa Brave Reds at ang header ni Filipino-American Nate Burkey galing sa free kick ni Chieffy Caligdong sa 49th minute para sa Azkals.
Kailangan ng Azkals na manalo sa second leg bukas o iposte sa goalless draw ang Brave Reds upang makaabante sa second round ng qualifying stage kontra Kuwait.
“I’m looking forward to the second game,” sabi ni Azkals goalkeeper Neil Etheridge, nalusutan ng goal ni Gunaratne sa first leg. “We’d like to win. It’ll be great for the fans to see us win in Manila.”
“It’s going to be different crowd, a different pitch on Sunday and for as long as we learned from this draw, we will be okay,” ani team manager Dan Palami. “We will go for the win and not just the draw.”
Nanalo naman sa kani-kanilang qualifying matches ang Cambodia, Nepal, Mongolia at Palestine.
Samantala, muling nahulog ang Azkals sa FIFA world rankings bago pa man nila nakasagupa ang Brave Reds sa first leg ng 2014 FIFA World Cup qualifier.
Nahulog ang national team sa No. 159 mula sa 155 ranking noong Abril, samantalang nalaglag sa No. 171 ang Sri Lanka.
- Latest
- Trending