MANILA, Philippines - Makakalaro ba o hindi si Greg Slaughter para sa Ateneo Blue Eagles?
Malaking katanungan pa rin ito matapos lumabas ang balitang n gtabla sa nangyaring botohan ng UAAP eligibility committee patungkol sa problema ni Slaughter.
May tutol sa paglalaro ng 7’0” center na naglaro rin sa Smart Gilas dahil nakasama ito sa koponang naglaro bilang guest team sa PBA Commissioner’s Cup.
Ipinagbabawal ito ng liga at sinasabing sakop ng batas ng UAAP si Slaughter kahit kasapi siya sa pambansang koponan.
Sinasabing dalawa ang hindi bumoto habang ang Ateneo ay hindi rin lumahok,habang ang huling dalawang kasapi sa 5-man committee ay naghati sa pagpayag at pagtutol sa paglalaro ng nasabing player.
Dating manlalaro ng University of Visayas, malaking bagay ang pagkapasok ni Slaughter sa tropa ni coach Norman Black na maghahangad na maka-four-peat sa taong ang Ateneo ay tumatayo bilang punong-abala.
Ang komite na pinangungunahan ni Lailano Gonzalo ng UP at nagpulong nitong Martes ay maghaharap uli sa Hulyo 5 kasama ang UAAP board para desisyunan na ang bagay na ito.
Kasama rin sa pag-uusapan ay ang kaso ni Bobby Ray Ray Parks ng National University na dapat umano ay dalawang taon na magre-residency sa paaralan bago pahintulutang makasali sa liga.