ILLAM kumana ng panalo sa Guam, Indonesia
Manila, Philippines - Pinatibay uli ng ILLAM at Tanauan ang paghahangad ng titulo sa Asia Pacific Big League at Senior’s Championships nang talunin uli ang Guam at Indonesia kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Humataw ng anim na hits ang ILLAM sa pangunguna ng two for two ni leadoff batter Adriane Bernardo tungo sa 11-0 shutout panalo sa Guam.
Binokya nina Tsuyoshi Horibata at Mark Ong ang Indonesia sa apat na innings bago ibinigay ni SJ San Juan ang natatanging hit sa laro sa ikalimang inning upang katampukan ang pagduplika ng ILLAM sa 15-1 panalo sa Indonesia kamakalawa para sa 2-1 karta.
Kaharap ngayon ng ILLAM ang napahingang CNMI Saipan at hangad nilang bawian ito matapos ang 2-6 kabiguan sa unang pagkikita.
Kung maisasakatuparan ito ng ILLAM, magtutuos uli sila ng CNMI sa one game finals sa Biyernes. Ngunit kung matalo pa ang home team, kailangan na lamang ng CNMI na manalo sa Guam bukas para makuha ang titulo sa pamamagitan ng 4-0 sweep.
Dinurog din ng Tanauan ang Indonesia, 12-0, sa Senior’s para makadalawa sa koponan matapos ang 15-1 panalo sa unang pagtutuos.
Ang panalo ay ikalawang sunod ng Tanauan matapos unang matalo sa Guam, 3-4, nitong Linggo.
Magkakaroon ng pagkakataon ang nasabing local team na makabawi sa tumalo sa kanila sa pagtutuos ng Tanauan at Guam ngayon.
Kailangang manalo ang Tanauan upang makapasok na sa Finals.
- Latest
- Trending