Nag-uulol sa galit
Manila, Philippines - Sisiguraduhin ng Philippine Azkals na maibaon ang kanilang matalim na pangil sa Red Braves ng Sri Lanka sa pagsisimula ngayon ng kanilang laban sa Asian World Cup Qualifying sa Sugathadasa Stadium, Colombo.
Ganap na alas 5:30 ng hapon (6pm sa bansa) magsisimula ang una sa dalawang tagisan ng dalawang bansa at ang mananalo sa series ay aabante sa second round laban sa Kuwait.
Papasok ang Azkals mula sa matinding training camp sa Germany na ginawa upang mailagay sa magandang pangangatawan ang 23 manlalarong aasahan ni German coach Hans Michael Weiss sa mahalagang panalo.
Matatandaang masaklap na kabiguan ang nalasap ng Azkals sa mga kamay ng Sri Lanka sa huli nilang paghaharap noong 1996 sa World Cup qualifier sa Doha, Qatar.
At ang kabiguang ito ang nais na ibaon sa limot ng Azkals at gagawa sila ng mahusay na game plan at malakas na depensa upang maipalasap ang kanilang matinding paghihiganti.
Makasaysayan sa dalawang bansa ang labang ito dahil parehong hindi pa nakakapaglaro ang Pilipinas at Sri Lanka sa World Cup.
Mataas naman ang paniniwala ng mga panatiko ng sport sa bansa sa pangunguna ng Philippine Football Federation na mangingibabaw ang Azkals lalo nga’t mas mataas ang world ranking ng Pilipinas na 156 laban sa 169 ng Sri Lanka.
“I believe we have a good chance against Sri Lanka first because we rank higher and we had good preparation into this series,” wika ni PFF president Mariano “Nonong” Araneta.
Gumastos ang pamunuan ng Azkals para lamang makapagsanay ang koponan sa Germany at nagtala sila ng 2-2 karta laban sa mga club teams doon.
Mismong si Weiss ay nagsabing maraming natutunan ang Azkals sa Camp na ito at kahit natalo sila sa huling dalawang tune up games sa 0-4 at 0-5 iskor, hindi naman dapat ipangamba ito dahil hindi naman kasing-galing ng mga nakatunggali ng Azkals ang Brave Reds.
Pangungunahan ni goal keeper Neil Etheridge ang laban ng Azkals bukod pa kina strikers Phil Younghusband, Ian Araneta, Misagh Bahodoran, mga midfielders na sina Angel Aldeguer Guirado, Jerry Lucena, James Younghusband at defenders tulad nina Robert Gier, Roel Gener, Ray Jonsson at Dennis Cagara.
Tiyak namang hindi basta-basta susuko ang host team na naihayag din ang kahandaan na gulatin ang mas malakas na Philippine team upang hindi mapahiya sa harap ng kanilang mga kababayan.
- Latest
- Trending