Tanauan rumesbak sa Indonesia
MANILA, Philippines - Bumawi ang Tanauan sa unang pagkatalo sa pamamagitan ng 15-1 pagdurog sa Indonesia pero minalas na matalo naman ang ILLAM sa pagpapatuloy ng 2011 Asia Pacific Senior at Big League Championships kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Ibinuhos ng Tanauan ang galit matapos ang 4-3 kabiguan sa Guam nitong Linggo nang magbaga ang kanilang batters tungo sa five inning abbreviated win.
May apat na runs ang naipasok ni Jake Mendoza mula sa 2 of 3 at bat habang si Melvin Rosita ay mayroong dalawang RBIs para sa home team na umiskor ng apat na runs sa unang inning, tatlo sa ikatlong inning at tinapos ang laro gamit ang walong runs sa ikaapat na innings.
Si Hanin Dio Baskoro na starting pitcher ng Indonesia ang siyang lumabas na losing pitcher nang magbigay ito ng apat na runs sa isang hit sa isang inning ng pagpukol.
Ang panalo naman ay natabunan ng 6-2 kabiguan ng ILLAM sa kamay ng CNMI Saipan na siyang lumalabas na team to beat dahil nanalo ito sa dalawang laro kahapon.
Bago ang laro sa host ay unang dinurog muna ng Saipan ang Guam, 6-1, para hawakan ang liderato sa double round elimination sa 16-18 age bracket taglay ang 2-0 karta.
Ang Pilipinas ay nalaglag sa 1-1 karta at kailangang manalo sa Guam ngayon para tumibay ang tsansang mapagharian ang torneo.
- Latest
- Trending