Reyes bumilib kay Fonacier

MANILA, Philippines - Ang isang career game ng player ay magiging mas matamis kung maihahatid rin niya sa panalo ang kanyang koponan.

Ito ang ginawa ni Larry Fonacier nang magrehistro ng career-high 27 points na tinampukan ng kanyang 8-of-11 shooting sa three-point range upang tulungan ang Talk 'N Text sa 89-85 panalo laban sa Powerade sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup noong Sabado sa Davao del Sur Cultural, Sports and Business Center sa Digos, Davao.

“He bailed us out,” ani Tropang Texters' coach Chot Reyes kay Fonacier, ang 2005-06 Rookie of the Year awardee na mayroon lamang 8.0 points per game average.

Inamin rin ni Reyes na lubha silang naapektuhan sa kanilang 25 turnovers mula sa mahigpit na depensa ng Tigers hanggang mag-init ang outside shooting ng dating 6-foot-2 Ateneo Blue Eagle.

Sa nakaraang 2011 Philippine Cup, walong tres rin ang isinalpak ni Ronjay Buenafe, ngayon ay nasa Rain or Shine, para sa Air21.

Ngunit ang pang walo at huling tres ni Fonacier ang bumasag sa 85-85 pagkakatabla sa huling 18 segundo para sa pangatlong sunod na ratsada ng Talk 'N Text.

Tinalo ni Fonacier para sa naturang weekly honors si Alaska center Sonny Thoss, nagtala ng two-game averages na 17.5 points, 10.5 rebounds, 3.0 assists at 1.5 blocks sa kanilang mga tagumpay kontra B-MEG at Air21.   

Show comments