May ka-match ba o wala ang Talk ‘N Text?
Sa palagay kasi ng karamihan ay tila walang makakapantay sa lakas ng Tropang Texters at malamang na magkampeon sila sa Governors Cup. Kapag nagkaganoon ay makukumpleto nila ang ikalimang Grand Slam sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association at makakapantay nila ang Crispa, San Miguel at Alaska Milk na pawang nakabuo ng pambihirang feat na ito.
Nakakatatlong panalo na ang Talk ‘N Text sa elimination round ng Governors Cup.
Inumpisahan nila ang kampanya sa pamamagitan ng 101-75 paglampaso sa Alaska Milk na siyang huling koponang nakakumpleto ng Grand Slam. Aba’y parang pangitain iyon ng mga mangyayari, hindi ba?
Isinunod ng Tropang Texters ang Rain or Shine, 120-108. Iyon ang unang kabiguang nalasap ng Elasto Painters matapos na magposte ng dalawang convincing wins. So again, ipinakita ng Tropang Texters na walang puwedeng mamayagpag kundi sila.
Oo at nahirapan ang Talk ‘N Text sa ikatlong laro nito kontra sa Powerade Tigers noong Sabado sa Davao del Sur Convention Center sa Digos City. Pero namayani pa rin sila, 89-85, upang mapanatiling walang bahid ng kabiguan ang kanilang record.
Sa huling dalawang games ng Tropang Texters ay hindi nila nakasama ang lead point guard na si Jimmy Alapag na nagtamo ng sprain sa kanilang sagupaan ng Aces. Ang pagkawala ni Alapag ay pinunan ni Jason Castro at ng kanilang import na si Maurice Baker.
Pero makakabalik na sa active duty si Alapag sa kanilang out-of-the country games sa Dubai, United Arab Emirates kung saan makakatagpo nila ang B-Meg sa Hunyo 30 at ang Barangay Ginebra sa Hulyo 1.
Ang dalawang games sa Middle East ang itinuturing na “acid test” para sa Tropang Texters. Dito malalaman kung mayroon ngang katapat ang mga bata ni coach Vincent “Chot” reyes.
Lumakas ang B-Meg sa pagkakakuha kay Jo Calvin Devance na isa sa mga top contenders para sa Most Valuable Player award sa season na ito. Ang siste ay hindi pa lumalabas ang tunay na lakas ng Llamados dahil sa hindi pa nakapaglalaro ang mga big men na sina Kerby Raymundo at Rafi Reavis na kapwa galing sa injuries.
Isa pa’y tila palpak ang import nilang si Stefon Hannah na binigyan ni coach Jorge Gallent ng huling pagkakataon para makapagpakitang-gilas kungdi ay papalitan na ni Darnell Hinson na magiging available para sa Middle East trip.
Kung makakapaglaro sina Raymundo at Reavis at makakakuha ng mas mahusay na import ang B-Meg, aba’y mabibigyan nila ng mas magandang laban ang Talk ‘N Text.
Ang Gin Kings naman ay nangangarap na muling makarating sa Finals matapos na matalo sa Talk ‘N Text sa nakaraang Commissioners Cup. Kaya lang ay kulang naman ng tatlong big men ang team ni coach Joseph Uichico. Kapwa injured sina Enrico Villanueva at Billy Mamaril, samantalang nagbalik namang muli sa Estados Unidos si Rudy Hatfield.
So, kumpara sa B-Meg, ang Ginebra ay humina.
Kaya naman sa ngayon ay tinatayang ang B-Meg ang magiging huling balakid sa pangarap ng Talk ‘N Text na makabuo ng Grand Slam.
Pero tingnan muna natin kung ano ang mangyayari sa Dubai.