Buboy Fernandez sumasali rin sa motocross racing
MANILA, Philippines - Hindi na lamang ang 8th time champion at kinikilalang ‘pound-for-pound’ king na si Manny Pacquiao ang pinagkakaabalahan ngayon ni trainer Buboy Fernandez kundi pati na ang bago nitong kinahihiligang sports na motocross.
Maliban sa boxing, sumasali si Fernandez, kasama ang kanyang 12-anyos na anak na si Paul, sa ginaganap Enersel Forte Philippine National Motocross Series at World Motocross Series sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao Del Norte.
Bitbit ang Team Pacquiao kung saan ito ang namamahala sa mahigit na 50 miyembrong riders, nahilig si Fernandez sa motocross racing noong 2008 kung saan lumalahok ito sa executive category gamit ang kanyang biniling motocross bike sa Estados Unidos.
Una naman na nakahiligan nang anak nito na si Paul ang pakikipagkarera sa General Santos City bago naengganyo si Buboy na makasama ang anak sa motorcross racing.
“Matagal na talaga akong mahilig sa karera ng motocross. Ngayon na lamang talaga ako nakakapagkarera kapag walang laban si Manny (Pacquiao),” sabi ni Buboy, bumili ng kanyang motorsiklo sa US noong 2008 habang nag-eensayo para sa laban ni Pacquiao kay Juan Manuel Marquez.
Ilang miyembro din ng Team Pacquiao ang biniyayaan ni Buboy ng kani-kanilang motocross bike.
- Latest
- Trending