MANILA, Philippines - Sa tagal na ni Bob Arum bilang isang boxing promoter, aminado naman siyang ngayon lamang niya nararanasan ang makipag-usap sa dalawang dambuhalang networks para sa inihahandang laban.
Ang Showtime at HBO ay nag-uunahan para sa pay-per-view rights sa sunod na laban ni Manny Pacquiao kontra kay Juan Manuel Marquez sa Nobyembre.
“We’re in the process of getting our proposals from HBO’s Time Warner and CBS/Showtime, and I must say there is a frenzy. It’s unbelievable,” wika ni Arum sa panayam ni Lem Satterfield ng Boxingscene.
Ang HBO ang dating nagsasaere ng PPV ni Pacquiao pero sa huling laban nito kontra kay Shane Mosley ay kinuha ni Arum ang CBS/Showtime at produktibo rin ito dahi sinasabing pumalo sa 1.3 hanggang 1.4 PPV buys ang nasabing laban nitong Mayo.
Mahigpit ang tagisan ng HBO at Showtime at malaking pera ang kanilang ini aalok ng magkabilang kampo na ikinatutuwa naman ng beteranong promoter.
“They’re offering for the promotion an incredible amount of support like I’ve never seen before,” dagdag pa ni Arum.
Gumastos ang Showtime ng halos $10 million sa Pacquiao-Mosley fight at para sa laban ng pambansang kamao kay Marquez, tinatantiya ni Arum na hindi bababa sa $15 million ang ipapasang proposals ng dalawang kumpanya.
Unang magpapasa ng proposal ang HBO bago sumunod ang Showtime at naniniwala si Arum na sa lalong madaling panahon ay makakapagdesisyon na sila sa kung saan ibibigay ang PPV rights.
“We’re in the process now of making a decision within the next week. HBO blew us over last night with its proposal. We’re not dealing with the sports department. We’re dealing directly with the chief executives. I never believe they would come up with anything like this,” pahayag pa ng 79-anyos na promoter.
Mataas ang interes sa labang ito dahil ito ang ikatlong pagtutuos nina Pacquiao at Marquez.
Itataya rin ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight title pero gagawin ito sa catchweight na 144 pounds na magbibigay tsansa kay Marquez na manalo rin sa sagupaan.
Samantala, sisimulan naman sa Agosto ang promotional tour ng kanilang laban sa 8 bansa.