MANILA, Philippines - Nang mahulog ang Aces sa 0-2 baraha, hindi ninerbiyos si coach Tim Cone.
“Obviously, we made adjustments from the last two games. We go small with Jason (Forte) playing the No. 4 spot, and it allows us to play three guards,” sabi ni Cone matapos ang 107-102 panalo ng Alaska sa B-Meg Derby Ace noong Hunyo 22 para sa kanilang unang tagumpay sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup.
Nakatutok sa kanilang ikalawang sunod na ratsada, sasagupain ng Aces ang Air21 Express ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang banggaan ng Meralco Bolts at Llamados sa alas-6:30 ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Tangan ng Rain or Shine ang 3-1 baraha kasunod ang Talk ‘N Text (2-0), Barangay Ginebra (2-1), Meralco (2-1), Petron Blaze (2-2), Alaska (1-2), B-Meg Derby Ace (1-2), Powerade (1-2) at Air21 (0-3).
Ang kanilang opensa ang siyang tututukan ni Cone sa laro ng Aces sa minamalas na Express ni Bong Ramos.
“We have to work on that (screens) and hopefully we get things going before the playoff comes. If we can do that, we’ll be pretty dynamic,” sabi ni Cone sa Alaska, muling aasahan sina Forte, LA Tenorio, Sonny Thoss. Cyrus Baguio at Mark Borboran katapat sina Alpha Bangura, Danny Seigle, Dondon Hontiveros, Wynne Arboleda at Leo Avenido ng Air21.
Nagmula ang Express sa 91-109 kabiguan sa Tigers noong Hunyo 22.
Sa ikalawang laro, mag-uunahan namang bumangon mula sa kani-kanilang pagkatalo ang B-Meg at ang Meralco.
Nakalasap ang Llamados ng isang 102-107 kabi-guan sa Aces, habang nakatikim ang Bolts ng 81-97 pagyukod sa Gin Kings noong Biyernes.