MANILA, Philippines - Talagang walang maitatagong kabulukan. Sisingaw at sisingaw ito.
Ito na yata ang sinasabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nag-file ng kasong criminal kina national swimming association president Mark Joseph at dating Chairman at CEO Efraim Genuino at iba pang opisyal ng ahensya.
Ito ay dahil sa kuwestiyonableng ex-direct funding assistance na mahigit sa P34 million sa Philippine Amateur Swimming Association, Inc (PASA) simula noong 2007.
Dahil dito, sinampahan ng mga sports advocates sa pangunguna ni former Senator Nikki Coseteng at Philippine Swim League President Susan Papa ng kasong graft and corruption at violations ng Forfeiture Law and Anti-Money Laundering Act ang mga dating PAGCOR officials kasama ang dating Philippine Sports Commission (PSC) Chairman na si William Ramirez at PASA President Mark Joseph.
Kasama ni Joseph na sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman sina Genuino, ex-PAGCOR President/COO Rafael “Butch” Francisco, former Directors Philip Lo, Manuel Roxas at Danilo Gozo, former Executive Vice President Rene Figueroa, ex-VP for Accounting Department Ester Hernandez, ex-VP for Corporate Communications and Services Department Edward “Dodie” King, at former AVP for Internal Audit Department Valente Custodio.
Batay sa nakalap nating balita, si Ramirez ay nag-awtorisa na magbawas ng monthly remittance ng PAGCOR sa PSC para ibigay sa PASA na inililipat naman sa TRACE college sa Laguna.
Ang pera sanang ito ay nagamit para pondohan ang mga pangangailangan, hindi lamang ng mga swimmer, kundi ng lahat ng atleta na nasa national pool. Pero napunta ito sa mga bulsa ng iilang tao lamang.
Batay sa RA 6847 o ang Philippine Sports Commission Act, kinakailangang mag-remit ng 5 porsiyento ng gross income ang PAGCOR sa PSC para sa national sports development program kasama na ang pagsasasanay sa national atheletes.
Pero, ayon sa mga dokumentong hawak nina Coseteng, noong 2007 ay nagkasundo si Ramirez (noon ay PSC Chairman) at si Genuino bilang PAGCOR chairman na mag-deduct ng monthly remittance sa sport commission na halaga ng mga nagastos ng PASA tulad ng akomodasyon, venue fees at iba pang ginastos sa training ng national sports. Kung totoo ang hawak na dokumento nina Coseteng at batay sa RA6847, ito ay ilegal.
Sabi ni Coseteng, nadiskubre lamang ang mga anomalya ng ang mga swimmers, magulang, coaches, parents, members at non-members ng PASA ay humiling sa Commission on Audit (COA) na irebisa ang mga pondong niremit ng PAGCOR sa PASA.
Noong Enero, 2010 nalaman ng COA na walang awtoridad ang PAGCOR na direktang mag-release ng pondo sa PASA sa halip na sa PSC tulad ng nakasaad sa RA6847; ang mga liquidation report ng PAGCOR ay walang signature ng PASDA officials, ang liquidation report na may total amount na P31,858,616.85 ay walang supporting documents.
Kung mapag-alamang totoo nga ang akusasyong ito nina Coseteng kina Joseph, et al, ito ay hindi isang simpleng pandarambong sa salapi ng pamahalaan, ito ay paninikil sa mga pangarap ng ating mga atleta. Isipin na lamang na magkano ang nakuha nina Joseph, kung totoo nga itong ibinibintang sa kanila.
Kawawang mga atleta ng Pilipinas.