MANILA, Philippines - Patitingkarin ng paglahok ni Kyle Matthew Lewis ang labanan sa second leg ng Enersel Forte World Motocross Series ngayong Sabado’t Linggo sa Tubod, Lanao del Norte.
Si Lewis ay isa sa mga tinitingala kung motocross ang pag-uusapan at siya ay isang two-time All Japan champion at nakakalaban na rin ang pambato ng bansa na si Glenn Aguilar.
“This is my first time to be in the Philippines but I have seen how the Filipinos compete having fought with Glenn who is a good rider. I’m honored to be here and I believe it will be a good race this weekend,” wika ni Lewis nang mapabilang sa mga bisita sa espesyal na SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Nakasama ni Lewis ang mga gaya niyang US riders na sina Jacob Locks, Dennis Stapleton, Tyson Lacey, Daniel Blair, Jesse Robert Jolson, Andrew John Morgan at Jo Roth habang si Aguilar ay nakasama nina Ambo Yappareon, Mac Mac Desbaro at Togs Guevarra.
“Pinaghandaan naman ng mga local riders natin ang kompetisyong ito lalo na si Glenn kaya alam kong magkakaroon ng magandang laban dito,” pahayag naman ni Jay Lacnit nasiyang president at CEO ng nag-oorganisang Sel-J Sports.
Ikalawang yugto ito ng karera sa taong ito at ang unang edisyon ay ginanap sa Sta. Barbara, Iloilo na kung saan si Aguilar ay tumapos sa ikatlong puwesto kasunod nina Stapleton at Lacey.
Maliban sa motocross ay magkakaroon din ng freestyle competition o X-Games na kung saan tiniyak ni Jolson na masisiyahan ang mga magsisipanood sa mga balak niyang gawin.
“I hope to do stunts like double grabs, switch plate, kiss of death and other crazy stuff. I just hope the weather will be fine or else we can’t ride,” wika naman ni Jolson.