JAKARTA, Indonesia - Sinandalan ng Smart Gilas Pilipinas ang malakas na paglalaro sa second half para bigyan ningning ang kampanya na mapagharian ang 9th Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championship sa pamamagitan ng 97-71 panalo sa Malaysia kahapon sa Britana Arena sa Jakarta, Indoensia.
Pinawi ni JV Casio ang foot injury sa kinamadang 19 puntos, mula sa 7 of 11 shooting sa 2-point range at 3 of 6 sa tres, para pangunahan ang apat na Gilas players na may doble pigura.
Si 6’10 Marcus Douthit ay may 14 puntos, 15 rebounds at 3 blocks habang sina Japeth Aguilar at Chris Tiu ay mayroong 18 at 12 puntos para lumapit ang koponan ng isang panalo pa sa apat na koponang liga tungo sa pagpasok sa Finals.
“We came here not prepared because we only have nine players and some of them are coming from injuries,” wika ni coach Rajko Toroman sa dahilan kung bakit mahina ang simula ng koponan.
Nagtabla nga ang Pilipinas at Malaysia sa 20 puntos sa first period at nakalamang pa ang huli sa halftime, 41-36, pero nagbabaga ang laro ng Gilas sa second half na kung saan na-outscore nila ang kalaban, 61-30.
Hindi na nga nakaiskor ng mahigit na 20 puntos ang Malaysia sa ikatlo at ikaapat na yugto habang ang pambansang koponan ay kumawala ng 31 puntos sa huling sampung minuto ng labanan.
Nakatulong sa Gilas ang dominasyon sa rebounding, 47-20, na nagresulta sa 58-24 kalamangan sa inside points at 11-0 angat sa second chance points.
Nalimitahan din ng Gilas sa kanilang turnovers nang magkaroon lamang sila ng lima matapos ang 14 errors sa unang 20 minuto ng sagupaan.
Smart Gilas Pilipinas 97- Casio 19, Aguilar 18, Douthit 14, Tiu 12, Barroca 9, Lutz 8, Baracael 8, Ababou 5, Ballesteros 4, Lassiter 0.
Malaysia 71- Ho 11, Batumalai 10, Ng 10, Loh 9, Chee 8, Wee 7, Kuek 5, Chin 4, Choo 3, Lau 2, Ong 2, Kuppusamy 0.
Quarterscores: 20-20; 41-36; 63-57; 97-71.