MANILA, Philippines - May kabang nararamdaman ang Sri Lankan football team na siyang makakaharap ng Philippine Azkals sa 2014 FiFa World Cup qualifier.
Sa Hunyo 29 unang magtutuos ang dalawang bansa na gagawin sa Sugathadasa Stadium sa Colombo habang ang ikalawang laro ay lilipat sa Rizal Memorial Football Field sa Hulyo 3.
Sa homecourt man nila gagawin ang laban ay nangangamba ang Brave Reds dahil hindi sila gaanong nakakapag-ensayo.
“We commenced training late due to delayed selection process,” wika ni Brave Reds coach Jang Jung sa pahayagang Daily Mirror.
“However, we are in a positive frame of mind to counter the challenge before us,” dagdag nito.
Halo ng beterano at bagitong manlalaro ang bubuo sa 25-man Sri Lankan team at ang mga beterano ay sina Rohana Ruwanthilake, Chathura Gunaratne, Nadeeka Pushpakamura, Fazul Rahuman at Mohammed Izzadeen.
Ang iba pang kasapi ay sina Kavindu Ishan, Tuan Rizni, Sujan Perera, Manjula Fernando, Sampath Bandara, Shafraz Kaiz, Thilanka Nandasiri, Sanka Dhanushka, K. Sutharshan, Lahiru Tharaka, Mohamed Zain Ismath, Nagoor Meera, P.J. Chaminda, Dilki Kumara, Kolitha Lankesara, Bandara Warakagoda, Shafraz Nazar, Chameera Kirishantha, Nuwan Priyantja, Nimal Antoni at Chathura Gunarathna.
Si Ruwanthilake nga ang team captain at alam niyang puno ng talento ang koponan at makakapagbigay ng magandang laban sa Azkals na kinakatawan naman ng mga Fil-Foreigners.
Ang Azkals naman ay nasa huling bahagi ng kanilang paghahanda sa Germany at nakatakda pa silang sumabak sa apat na tune-up matches bago tumulak sa Sri Lanka.
“They (Azkals) have grown very fast and are going to be a difficult opposition for us. They have prepared very well for this tournament,” dagdag pa ni Jung.