PSC pinaalis na ang canteen sa RMSC
MANILA, Philippines - Pinaalis na ni PSC chairman Ricardo Garcia ang mga umookupa at nagpapatakbo sa canteen na matatagpuan sa ilalim ng PSC administration building sa Rizal Memorial Sports Center.
Ang canteen ay pinatatakbo ng PSC Employees Association at naghayag ang legal department ng komisyon na bawal ito base sa batas.
“The employees association is not supposed to go into business, only a cooperative can,” ani Garcia.
May board resolution na ngang ipinalabas ang PSC na kung saan nabigyan na ng taning ang PSCEA sa pangunguna ng pangulong si Loreno de Guia na iwan na ang puwesto noon pang Mayo 31.
Pero nananatili pa ang canteen at patuloy na tumatakbo at sineserbisyuhan ang pambansang atleta at coaches at maging ang PSC employees dahil sa suporta ng samahan ng mga government employees na COURAGE.
Lumiham din ang PSCEA at humingi ng extension habang hindi pa nakakahanap ng malilipatang lugar.
Ang kita ng canteen ay pinaghahatian ng mga empleyado matapos ang taon upang makadagdag sa tinatanggap na benepisyo mula sa pamahalaan.
Dahil mawawala ang canteen, ang PSC ngayon ay naghahanap ng bagong grupo na kung saan babayaran nila ito ng P350 kada araw para sa almusal, tanghalian at hapunan ng mga atleta at coaches na sinusuportahan.
- Latest
- Trending