MANILA, Philippines - Nangalawang ang Filipino netter at 12th seed Jeson Patrombon sa paglalaro sa grass court upang mamaalam agad matapos lamang ang unang laro sa AEGON Junior International--Roehampton na idinadaos sa Great Britain.
Nakakakilos man ng mas maganda kumpara nang unang naglaro sa kompetisyon noong 2010, hindi naman pinalad si Patrombon na makuha ang mahahalagang puntos at matapatan ang nagbabagang serve mula sa Russian qualifier na si Evgeny Karlovskiy tungo sa 5-7, 5-7, straight sets kabiguan.
Hindi nagamayan agad ni Patrombon ang court dahil nag-uulan nitong nagdaang mga araw at hindi siya nagkaroon ng sapat na practice sessions.
Magkakaroon pa si Patrombon, ang 15th ranked ITF netter sa juniors, na makapaglaro pa sa court dahil kasali sila ni Jaden Grinter ng New Zealand sa doubles at unang laro nga nila ay kontra kina Kimmer Coppejans ng Belguim at Filip Peliwo ng Canada.
Ang Juniors Wimbledon na magsisimula sa susunod na linggo ang maaaring maging huling malaking juniors tournament ni Patrombon dahil mas napupusuan na nila na pagtuunan ang Men’s Circuit na kung saan nakasali na ang 18-anyos tubong Iligan sa India at Indonesia nitong mga nagdaang buwan.
Matindi naman ang laro sa Aegon at bukod kay Patrombon ay nasibak na rin sa Grade I event na ito sina 5th seed Dominic Thiem at 11th seed Patrick Ofner ng Austria.