MANILA, Philippines - Posibleng tumayong coach na lamang si Grandmaster Eugene Torre para sa kampanya ng national chess team sa 26th Southeast Asian Games na nakatakda sa Nobyembre 11-25 sa Palembang at Jakarta, Indonesia.
Ito ang inihayag kahapon ni National Chess Federation of the Phl secretary-general Abraham “Bambol” Tolentino.
“GM Torre is well-resected as a chess player not only here in the country but also in Asia and the world, he will be a perfect choice to coach our delegates to the SEA Games,” wika ni Tolentino sa The STAR kahapon. “No one deserves it more than him (Torre).”
Ayon sa 59-anyos na si Torre, nais niyang makita ang mga bagitong chess players na kagaya ni super-GM Wesley So na kumampanya sa 2011 SEA Games kung saan maaari siyang tumayong trainer, non-playing team captain o coach.
“The young guys should play in the SEA Games especially since there is a rapid event there where we know our players are strong at,” ani Torre. “As far as I’m concerned, whatever capacity I can contribute or in anyway I can contribute, I’ll be there because I know I’m a good solider.”
Nilinaw ni Torre, ang kauna-unahang GM sa Asya, na hindi pa siya handang magretiro.
Gusto ni Torre na mapasama sa koponan na lalahok sa 2012 World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey kung saan hangad niyang maging record-holder sa pamamagitan ng 21 ulit na paglahok sa nasabing torneo.
Si Torre ay may record na 19 consecutive Olympiad stints matapos ang 2006 Turin meet kung saan niya iniwanan ang 18 ni Heikki Westerinan ng Finland.
Samantala, nadagdagan uli ang Grandmaster ng bansa matapos na ang 25-anyos na si Julio Catalino Sadorra ay tuluyang nang sikwatin ng kanyang ikatlo at final GM norm makaraang makapagpakita ng magandang laban sa UTDallas Grandmaster Invitational kung saan kanyang sinilat si Russian GM Alexander Shabalov ng US noong nakaraang Marso.
Ang kanyang pagiging ganap na GM ay nakumpirma lamang sa nakaraang pagdaraos ng FIDE second quarter presidential board meeting sa Al Ain, UAE kamakailan.
Si Sadorra ang ika-14th GM ng bansa, kasama sina Wesley So, Mark Paragua, John Paul Gomez, Darwin Laylo, Roland Salvador, Eugene Torre, yumaong si Rosendo Balinas, Joey Antonio, Banjo Barcenilla at Bong Villamayor at ang may edad ng si Nelson Mariano II, Jayson Gonzales at Joseph Sanchez.