Grievance committee itinayo ng POC
MANILA, Philippines - Upang hindi maabala ang paghahanda ng Pambansang koponan para sa SEA Games sa Indonesia ngayong Nobyembre ay nagtayo ng grievance committee ang POC na siyang puwedeng dulugan ng mga magrereklamong atleta.
Inaasahan ng POC na may mga magrereklamong atleta lalo na kung hindi sila mapipili sa Pambansang koponan kaya’t gumawa na ng komite para siyang humarap sa ganitong problema.
Hindi lamang problema sa estado nila sa koponan kungdi pati ang problema sa paghahanda ay maaaring harapin ng komite.
Isa sa inaasahang magiging problema sa pagbubuo ng koponan ay ang Philippine Karatedo Federation (PKF) dahil nawala na sa koponan ang mga dating medallist sa pangunguna ni Thailand at Laos SEAG gold medallist at Asiad silver medallist Marna Pabillore.
Si Pabillore ay naalis sa koponan matapos hindi lumahok sa Philippine National Games na kung saan isinasali sila sa open weight class.
Nangatuwiran si Pabillore na hindi nararapat na ilaban sila sa open weight dahil hindi naman sila sa ganitong timbang sasali sa Indonesia SEA Games pero hindi sila pinakinggan ng bagong liderato ng PKF sa pamumuno ni Dr. Enrico Vasquez.
Lumiham si Vasquez sa PSC at nagsumite ng bagong lineup na hindi na kinabibilanganan ng mga nag-boycott sa PNG.
Nilinaw ni POC president Jose Cojuangco Jr. na isa sa mahalagang katangian na dapat taglay ng isang atleta na sasama sa SEA Games ay disiplina.
Magsisimulang maiporma ang pambansang koponan matapos maisumite ng mga kalahok na NSAs ang kanilang mga kakailanganin sa paghahanda. bukod sa bilang ng atletang posibleng isama na ibibigay sa POC sa Hunyo 29.
- Latest
- Trending