Manila, Philippines - Solidong suporta ang ibinigay ng TV5 para sa Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP), isang grupo na aktibo sa mga programa at proyekto sa palakasan ng bansa.
Itinaguyod rin ng SCOOP ang mga atletang Pinoy sa nakaraang 30 taon.
Sisimulan nang ikover ng TV5 Sports ang lingguhang SCOOP sa Kamayan sports forum tuwing Biyernes.
Ang SCOOP Kamayan ay lugar kung saan nagkikita-kita ang mga personalidad, grupo, at tagasuporta ng isports upang pag-usapan at desisyunan ang mahahalagang isyu at usapin sa palakasan.
Ang TV5 ay pagmamay-ari ng PLDT at Smart ni Manny V. Pangilinan na sumusuporta rin sa isports.
Siya ang may-ari ng Talk ‘N Text Tropang Texters at Meralco Bolts sa Philippine Basketball Association (PBA). Suportado rin niya ang San Beda Red Lions sa National College Athletic Association (NCAA) at ang Ateneo Blue Eagles sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Inilunsad din ang opisyal na website ang SCOOP, ang www.scoopmanila.net, sa SCOOP Kamayan forum noong Hunyo 17. Matutunghayan sa nasabing website ang mga bagong balita sa isports at magbibigay ng mga sports analysis at komentaryo.