Beterano at bagitong manlalaro isasabak ng Pinas sa SEA Games
Manila, Philippines - Pinagsamang beterano at mga baguhang manlalaro ang kakatawan sa national men’s at women’s volleyball teams sa 26th South East Asian Games sa Nobyembre sa Indonesia.
Inanunsyo ni Gener Dungo na pangulo ng Philippine Volleyball Federation (PFV) ang komposisyon ng national teams kasabay ng paniniwalang makakapagbigay ang mga ito ng magandang laban sa Indonesia.
“Ang mga pinili namin ay base sa ipinakitang galing nila sa mga nilahukang tournaments. May mga bagito ring isinama dahil kailangan na ring mapaghandaan ang mga susunod pang malalaking international tournaments bukod sa nalalapit na SEA Games.
Ang mga beterano ng Shakey’s V-League na sina Cherry Macatangay, Rachel Anne Daquis, Michelle Carolino, Dahlia Cruz, Suzanne Roces, Pau Soriano at Mary Jean Balse ay sinamahan nina Janette Doria, Nica Guliman, Hezzymei Acuna, Cristina Salak, Marietta Carolino at Patricia Torres sa women’s team na mamanduhan ni Sinfronio Acaylar.
Masusukat agad ang husay ng koponan sa paglahok ng mga ito sa 2011 Asian Women’s Club Championship mula Hunyo 19 hanggang 25 sa Vietnam.
Sina Jeffrey Malabanan, Carlo Sebastian, Jessie Lopez, Paolo De Ocampo, Edmund Hu, Raffy Mosuela, Nino Jeruz, Dave Tormis, Rex Castro, Rodolfo Labrador, Alnakran Abdilla, Edjet Mabbayad, John Balse at Nestor Molate ang bubuo naman sa men’s team.
Posible ring kumuha ang PVF ng mga Fil-foreigners pero kailangan munang ipakita ng mga manlalarong ito na karapat-dapat silang masama sa koponan.
Positibo ang PVF na may magandang resulta sa paglahok ng Pilipinas sa SEA Games dahil sa pagtutulungan na ng NSA, POC, PSC at Shakey’s.
- Latest
- Trending