Pagpapalakas sa grassroot program ng SBP sisimulan na
Manila, Philippines - Sisimulan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagpapalakas sa kanilang grassroots program sa pagtungo sa Baguio City sa linggong ito.
Sina SBP executive director Renauld “Sonny” Barriors at si SBP area head for North and Central Luzon Danny Soria ang magsasama para pasimulan ang gagawing pag-ikot sa buong bansa sa hangaring makatuklas ng mga batang may potensyal para sa national teams na bubuuin sa hinaharap.
“This will be in compliance to a direct order to touch base with our SBP officials in the provinces to come up with a meaningful nationwide grassroots program for the year,” wika ni Barrios.
Nitong Miyerkules ay isinagawa ang National Congress sa Dusit Thani Hotel na kung saan pormal na ring tinanggap ng SBP board ang pagkakaupo ni Barrios bilang executive director kahalili ng nagbitiw na si Noli Eala.
Idinagdag pa ni Barrios na dapat lumakas ang grassroots program ng SBP dahil ito ang numero uno sa prayoridad ng pangulong si Manuel V. Pangilinan mula sa susunod na taon.
Bago ang gagawing pag-ikot ay nauna nang nakipagpulong si Barrios kina dating Asian Basketball Confederation (ABC) sec-gen Mauricio “Moying” Martelino, dating national coach at Coca Cola Hoopla commissioner Joe Lipa, Ricky Palou ng Ateneo na kinatawan ng UAAP at dating BAP sec-gen Nic Jorge para makuha ang kanilang opinion upang makabuo ng malakas na programa sa grassroots.
Kasabay na isinagawa sa Congress ay ang pagpapasalamat ni MVP sa mga taong tumulong para maging matagumpay ang idinaos na 22nd FIBA Asia Champions Cup na kung saan ang Smart Gilas Pilipinas ay tumapos lamang sa ikaapat na puwesto.
Tinuran ni MVP ang pagdalo ng mga opisyales ng FIBA Asia sa Champions Cup na patunay na kinikilala nila ang kahusayan ng Pilipinas na makapag-organisa ng malalaking internasyonal na kompetisyon.
Sina Eala, Martelino, Bernie Atienza at Dr. Jay Adalem ay binigyan din ni Pangilinan ng plaque upang kilalanin ang kanilang mga iniambag para maging matagumpay ang nasabing hosting na pinagharian ng Lebanon.
- Latest
- Trending