Marami pang kampeonato pangako ni Cuban sa Dallas fans
DALLAS--Libu-libong mga fans ang nagtungo sa Victory Plaza para sa pagpaparangal sa 2011 NBA champion Dallas Mavericks.
Iwinagayway nila ang mga banners at nagsayawan sa labas ng main entrance ng American Airlines Center, ang downtown Dallas home ng mga Mavericks.
“Guess what? We got one and we’re going to try to get more,” naiiyak na wika ni team owner Mark Cuban sa kanilang mga fans na nakisama sa post-parade celebration sa Center. “We love you guys.”
Hinawakan ni Cuban ang championship trophy sa halos kabuuan ng parada, habang kinumpirma naman ni guard Jason Terry na katabing matulog ng team owner ang tropeo sa kanilang pag-uwi mula sa Miami.
Nakasubo naman kay Terry ang malaking sigarilyo sa halos kabuuan ng parada at pagdiriwang. Ngunit si Dirk Nowitzki ang pinakahinahanap ng mga tao.
Itinaas ng German forward ang victory signs at kumaway sa mga fans na pinanood naman siya sa mga giant screens sa Victory Plaza. Itinampok sa game replays si Nowitzki, tinanghal na Most Valuable Player ng championship series.
“It’s been an amazing ride, an amazing journey,” sabi ni Nowitzki sa post-parade celebration para sa mga season ticket holders.
Bago ang nasabing event, tumayo siya sa balcony at pinangunahan ang mga tao sa isang off-key rendition ng tinawag niya “new favorite song”: ang Queen’s “We Are the Champions.”
Ito ang unang NBA championship ng Mavericks sa kanilang 31 taon sa NBA.
- Latest
- Trending