MANILA, Philippines - Nagbunga ang magandang inilaro ni Ronato Alcano sa China Open para makaangat na sa ikalawang puwesto sa WPA world ranking.
Tatlong Filipino cue artist pa rin ang nagdodomina sa talaan at si Alcano ay nagtulak sa dating nasa ikalawa na kababayang si Antonio Lining sa kabuuang 1763 puntos.
Umani ng tatlong panalo si Alcano laban kina Ahmad Taufiq, 11-10, Ralf Souquet, 11-7 at Yukio Akakariyama, 11-9, pero minalas siyang matalo kay Hsu Kai Lun sa Final Four, 2-11.
Lumabas si Alcano bilang pinakamahusay na lahok ng bansa at nakapagbulsa pa ng 320 puntos na kanyang nagamit para tumaas ang ranking.
Si World 8-ball champion Dennis Orcollo, na nasibak agad sa unang laban sa knockout stage ng China Open nang lasapin ang 10-11 kabiguan kay Liu Wei para sa 140 puntos lamang, ay angat pa rin sa kabuuang 2050 puntos.
Si Lining na sibak din agad sa first round, ay nasa ikatlo pa rin sa 1645 pero humahabol si Kuo Po-Cheng ng Chinese Taipei sa 1614 puntos.
Pasok pa rin naman sa top 10 si Filipina cue artist Rubilen Amit kahit agad na nasibak sa group elimination sa nasabing torneo sa China ay may 964 ay nasa 10th place.