Cebuana vs NLEX
MANILA, Philippines - Hawakan ang mahalagang 1-0 kalamangan ang pag-aagawan ng Cebuana Lhuillier at NLEX sa pagsisimula ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tiyak na magiging mahigpitan at mainitan ang labanan ng Gems at Road Warriors na itinakda ganap na alas-3 ng hapon dahil ang mananalo rito ay maihahakbang ang isang paa sa puntiryang titulo dahil sa maigsing best-of- three series lamang ang seryeng ito.
Parehong nagpahayag sina coaches Luigi Trillo ng Gems at Boyet Fernandez ng Road Warriors ng hindi pa tapos ang kanilang misyon dahil pakay nila na mailuklok bilang kauna-unahang kampeon ng liga.
“There still is a job to be done. We can’t underachieve and be happy by just making the Finals,” wika ni Trillo.
“Three-fourths of our job is done. Pero hindi pa kami tapos,” tugon naman ni Fernandez.
Ang dalawang koponan na paborito sa pre-season ay nagdomina mula sa classification round nang mapangunahan ng NLEX at Cebuana Lhuillier ang Group A at B sa classification round upang diretsong makaabante sa quarterfinals.
Nakapasok ang Gems sa Finals nang kalusin ang lumabas na dark horse na PC Gilmore sa iskor na 83-55, habang ang Road Warriors ay nanaig sa hamon ng Max! Bond Super Glue, 74-61, na nilaro noong nakaraang Huwebes.
Parehong may shooters at malalaking manlalaro na kayang makapagdomina sa ilalim ang magkabilang koponan kaya’t sa execution inaasahang magkakatalo ang mga nabanggit na teams.
“They have their strength, we have ours. It’s going to be an interesting series,” ani pa ni Trillo.
Kakamada sa Gems ay sina Narciso Llagas, Allein Maliksi, Kevin Alas, Benedict Fernandez at James Sena habang sina Calvin Abueva, Eric Salamat, Rogemar Menor, Ronald Pascual at bagong pasok na si JayR Taganas ang mga ilalaban ng Road Warriors.
Ang mananalo ay maaaring hirangin na kampeon ng liga sa Game Two na itinakda sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang Game Three kung kinakailangan ay itinakda naman sa Hunyo 21 sa Ynares din.
- Latest
- Trending