So nakipag-draw kay Tikkanen, kasosyo pa rin sa liderato
MALMO, Sweden - Nagkasundo sa isang draw sina GM Wesley So at GM Hans Tikkanen ng Sweden sa third round ng 19th Sigeman and Co. chess championship dito sa Classic Hipp Theater.
Ang 17-anyos na Filipino champion na nagmula sa panalo kay dating world championship candidate GM Alexei Shirov ng Spain sa second round ay naglaro sa itim na piyesa laban kay Tikkanen.
Naitala ang draw matapos ang 31 moves.
Kasalo pa rin ni So sa liderato sina defending champion GM Anish Giri ng Netherlands at Tikkanen sa kanilang magkakatulad na 2 points na nasabing six-player round-robin tournament.
Si Giri, ang Moscow-born son ng isang Nepalese father at isang Russian mother at naninirahan ngayon sa Dutch city ng Rjswijk, ay nakipag-draw rin kay Shirov sa 40 moves ng Bishop opening.
Nauwi rin sa draw ang laro nina GM Jonny Hector at World Youth bronze medalist Nils Cornelius ng Sweden sa 101 moves.
Sa fourth round makakasukatan ni So si Cornelius.
- Latest
- Trending