MANILA, Philippines - Isang mansyon sa Forbes Park sa Makati City na nagkakahalaga ng P388 milyon ang binili ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao bilang regalo sa kanyang asawang si Jinkee.
Sinabi ng Filipino world eight-division champion na matagal nang pinapangarap ni Jinkee ang naturang mansyon na matatagpuan sa Cambridge Street, North Forbes, Makati City.
Tanging ang Sarangani Congressman at si Jinkee at ilan nilang malalapit na kaibigan at kamag-anak ang papayagang makapasok sa naturang three-storey private mansion.
Wala pang furniture at appliances na nabibili si Pacquiao para sa nasabing mansyon at plano nilang magtakda ng house blessing sa Agosto.
Ang naturang 1,500 square-meter mansion ay may sariling tennis court at dating tahanan ni Roque Tordesillas, ang Senior Vice President ng insurance brokerage firm Marsh Philippines.
Ang premyo ng 32-anyos na si Pacquiao sa laban nila ni Sugar Shane Mosley ang siyang ibabayad sa naturang mansyon.
Si Pacquiao ang kasalukuyang No. 24 sa listahan ng highest paid athletes sa buong mundo noong nakaraang taon, ayon sa listahan ng Forbes.com at katabla si Brazilian football star Kaka.
Ang ‘pound-for-pound king’ ay kumita ng $25 milyon mula noong Mayo 1, 2010 hanggang Mayo 1, 2011 kung saan karamihan rito ay mula sa kanyang prize purse sa laban kay Mexican Antonio Margarito noong Nobyembre ng 2010.
Ang endorsement deal ni Pacquiao sa Hewlett-Packard ay nagkakahalaga ng $1 milyon bawat taon. Kamakailan ay naglabas ang HP ng unang commercial ni ‘Pacman’ na isang video na nagpo-promote sa HP Veer 4G.
Si golfer Tiger Woods ay kumita ng $75 milyon noong nakaraang taon mula sa kanyang mga deals sa Nike at Electronic Arts kasunod si basketball star Kobe Bryant ($53M) at LeBron James ($48M).