Ginebra bibigyan ni Stinson ng magandang debut kontra Tigers
Manila, Philippines - Sa kanilang mga tune-up games pa lamang ay bumilib na si Barangay Ginebra coach Jong Uichico sa kanilang import na si Curtis Stinson.
Ayon kay Uichico, ang 6-foot-1 na si Stinson ang klase ng reinforcement na makakatulong sa kampanya ng Gin Kings, natalo sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa nakaraang 2011 PBA Commissioner’s Cup.
“He’s the kind of import that our team needs,” wika ni Uichico kay Stinson, nahirang na Most Valuable Player ng nakaraang season ng NBA D-League matapos igiya ang Iowa Energy sa kampeonato.
Nagtala si Stinson ng mga averages na 20.1 points, 5.9 rebounds, 9.7 assists at 1.4 steals sa regular season ng NBA D-League.
Masusubukan ang husay ng produkto ng Iowa State sa pagsagupa ng Ginebra sa Powerade ngayong alas-7:45 ng gabi sa 2011 PBA Governors Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa unang laro sa alas-5:30 ng hapon ay magtatagpo naman ang Petron Blaze, dating San Miguel, at Meralco.
Makakaharap ni Stinson ang dating import ng Gin Kings noong 2005-06 Fiesta Conference na si 6’6 Chris Porter sa panig ng Tigers.
Nagkaroon ng karapatan ang Powerade na humugot ng import na 6’6 matapos mangulelat sa nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Ang 33-anyos na si Porter ay nagtumpok ng mga averages na 22.1 points, 17.1 rebounds, 3.0 assists at 2.1 steals sa pagtulong sa Ginebra sa fourth place finish sa 2005-06 Fiesta Conference.
Si Porter ang kakayod nang husto para sa Tigers ni Bo Perasol bunga ng left hand injury ni top scorer Gary David.
Ito ay nahampas ni Ginebra rookie John Wilson sa isang tuneup game ng dalawang koponan noong Hunyo 4.
Si David ay naglista ng average na 23.4 points sa nakaraang Commissioner’s Cup.
- Latest
- Trending