MANILA, Philippines - Reresbakan ni Rey ‘Boom Boom’ Bautista ang tumalo sa kanyang si Heriberto ‘Cuate’ Ruiz ng Mexico ngayong gabi sa “Pinoy Pride 6: Grudge Rematch” sa Waterfront Hotel Pacific Ballroom sa Cebu City.
Ayon kay Bautista, hindi pa rin niya nalilimutan ang kabiguan niya kay Ruiz noong Nobyembre 22, 2008 sa Las Vegas, Nevada.
“Until now, my previous loss still hurts and I know he came here in top shape but I’m ready,” wika ni Bautista sa kanilang final press conference.
Nakataya sa nasabing 12-round fight ang IBF international featherweight crown.
Nabigo si Bautista (30-2, 23 KOs) kay Ruiz (46-10, 28 KOs) sa kanilang unang pagkikita at nangako ang Pinoy na babawian ang Mexican sa kanilang rematch.
Ang 24-anyos na pambato ng Candijay, Bohol ay nasa isang four-fight winning streak, ang huli ay mula sa isang third round stoppage kay Mexican Alejandro Barrera noong Enero 29.
Hindi naman pinansin ni Ruiz ang patutsada ni Bautista.
“I hope he’s really ready for this fight because I came to win and I’m sure of defeating him again,” wika ng dating Mexican super flyweight champion. “I’ve been fighting with world champions, including Rafael Marquez and still my experience will be my biggest arsenal to win this fight.”
Kapwa hindi nangako ng knockdown sina Bautista at Ruiz sa kanilang ikalawang paghaharap.