J-Pat 'di pa rin umubra kay Takeuchi
MANILA, Philippines - Pinatunayan ni Kento Takeuchi ng Japan na mas mahusay siya sa ngayon kay Filipino netter Jeson Patrombon nang madalawahan niya ito, 7-5, 6-2, sa pagbubukas ng F3 Futures na ginagawa sa Jakarta, Indonesia.
Nakapagbigay ng mas magandang laban ang 18-anyos na tubong Iligan City netter nang makalamang siya sa dalawang set na tunggalian pero ang karanasan ni Takeuchi ang siya niyang ginamit para makuha ang panalo at mapatalsik sa kompetisyon si Patrombon.
Gumamit ng delaying tactics si Takeuchi sa puntong nahahawakan na ni Patrombon ang momentum sa labanan para makabawi hanggang sa talunin nito ang kalaban.
Unang naglaban ang dalawa sa second round ng F2 Futures sa Surabaya noong nakaraang linggo, yumukod si Patrombon sa 2-6, 1-6, iskor.
“Jeson took a tough defeat played more than two hours under a baking hot weather. We were ready for Takeuchi but his experience on the big points and delaying tactics employed by these men’s players when in trouble to regain momentum was the key,” ani coach Manny Tecson.
Lalayo na sana si Patrombon sa 5-3 dahil angat siya sa 0-30 sa serbisyo ni Takeuchi sa eight game nang magsimulang magreklamo ito sa umpire.
Ang mahabang balitaktakan ang nagpalamig kay Patrombon at agad itong kinapitalisa ng kalaban para makuha ang game at itabla ang iskor.
Dikitan na ang labanan pero sa 11th game ay nailusot ng Japanese netter ang may anggulong passing shot para sa break serve at tinapos ni Takeuchi ang laro sa first sa pamamagitan ng hold serve sa 12th game.
Hinawakan ni Patrombon ang kanyang serve sa una at tatlong game para sa 2-1 kalamangan ngunit dumiskarte uli si Takeuchi para masira ang momentum ng una at mapako na sa dalawang puntos lamang.
Pansamantalang iiwan naman ni Patrombon ang men’s circuit at babalik sa paglalaro sa juniors sa pagsali sa Rohampthon Grade 1 mula Hunyo 19 hanggang 24 at Junior Wimbledon mula Hunyo 26 at Hulyo 3 sa Great Britain.
Tangka ni Patrombon na magkaroon ng magandang pagtatapos sa dalawang ITF events na ito upang mapaangat uli ang kanyang juniors ranking.
Huling naglaro sa juniors sa Mitsubishi Lancer International Juniors Championship sa Rizal Memorial Tennis Center noon pang Marso, si Patrombon ay nalaglag mula sa pinakamataas niyang naabot na ika-9 noong Enero tungo sa ika-15th puwesto tangan ang 631.25 puntos.
- Latest
- Trending