Gems kakasahan ang Road Warriors sa PBA D-League Finals
MANILA, Philippines - Magtatagisan sa PBA D-League Foundation Cup ang dalawang koponang nagdomina sa liga mula pa sa classification round.
Inilabas ng Cebuana Lhuilier at NLEX ang kanilang tunay na porma upang ilampaso ang PC Gilmore at Max! Bond Super Glue sa semifinals kahapon na nilaro sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang sunod na laro ay may double-double na 19 puntos at 10 rebounds si Narciso Llagas habang 13 at 11 naman ang naihatid nina Allein Maliksi at James Sena para sa Gems na pinamunuan ang Group B sa unang yugto ng labanan, tungo sa 83-55 tagumpay sa Wizards.
Matindi ang opensa na ipinakita ng Gems matapos magkaroon sila ng 25 assists at 53% shooting (31-of 59). Pero hindi rin sila nagpabaya sa ibang aspeto ng labanan tulad sa rebounding na kanilang dinomina 50-32 at ang paglimita sa single digits sa mga kamador ng Wizards na sina Carlo Lastimosa, Allan Mangahas at Jeff Vidal.
Ang Road Warriors, na nanguna sa Group A sa classification round, ay hindi pinaporma ang Sumos nang layuan nila ito sa 65-30, sa ikatlong yugto tungo sa 74-61 panalo.
Si Calvin Abueva ay naghatid ng 19 puntos at 11 rebounds habang 14 at 11 naman ang kontribusyon nina Ronald Pascual at Eric Salamat upang selyuhan ang pagtutuos sa titulo ng dalawang pre-season favorites.
Sa best-of-three series ang labanan sa titulo at ang Game One ay gagawin sa Martes sa The Arena. Ang Game Two ay gagawin sa Huwebes habang kung kakailanganin, ang deciding game ay sa susunod pang Martes (Hunyo 21) at ang huling dalawang laro ay gagawin sa Ynares Arena.
- Latest
- Trending