Coach Jong kuntento kay import Curtis Stinson
MANILA, Philippines - Mula sa kanyang kredensyal sa paglalaro sa NBA Developmental League kung saan siya tinanghal na Most Valuable Player matapos igiya ang Iowa Energy sa kampeonato, kuntento na si Barangay Ginebra head coach Jong Uichico kay Curtis Stinson.
Sa tatlong tune-up games ng Gin Kings bilang paghahanda para sa 2011 PBA Governors Cup simula sa Hunyo 11, dalawa rito ay kanilang naipanalo mula sa pagbibida ni Stinson.
“He is a complete player,” ani Uichico sa 28-anyos na si Stinson. “He can create situation for his teammates. He can score if he wants to.”
Si Stinson ay kumampanya sa NBA para sa mga koponan ng Golden State Warriors at Los Angeles Clippers.
Sa hangaring makuha ang kanilang kauna-unahang Grand Slam, sinubukan ng Talk ‘N Text na mahugot si Stinson mula sa Ginebra.
Matapos makausap si dating Gin Kings’ import David Noel, nakumbinsi nito si Stinson na maglaro para sa Ginebra, tinalo ng Talk ‘N Text sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup championship series.
Para sa Governors Cup, ibinunyag ni Uichico na muling bumalik si forwartd Rudy Hatfield sa kanyang pamilya sa United States.
“Siyempre, if you are playing here tapos ‘yung pamilya mo ay nasa States at hindi mo naman araw-araw nakakasama, talagang you will eventually make a choice,” ani Uichico kay Hatfield. “Sabi niya mag-iisip daw muna siya since finished contract na rin naman siya sa Ginebra.”
Samantala, pinalitan ng Petron Blaze, dating San Miguel Beermen, si dating Los Angeles Clipper Mike Taylor matapos magkaroon ng pulled hamstring habang nag-eensayo.
Sa kanyang Twitter, sinabi ni Noli Eala, nagtatrabaho para sa San Miguel Corporation, na si Taylor ay papalitan ni Ricky Harris na siyang orihinal na pinili ng Petron para sa season-ending conference.
“Terrible news just in. Petron import Mike Taylor just suffered a pulled hamstring in practice. OMG! Ricky Harris to replace him,” ani Eala sa kanyang Twitter.
- Latest
- Trending