MANILA, Philippines - Tatapusin na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang usapin patungkol sa problema sa liderato sa Philippine Karatedo Federation (PKF) sa inaasahang pagsalang nito sa POC General Assembly ngayon sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.
Pormal na iaanunsyo ng POC ang pagkilala sa bagong liderato ng PKF sa body at kung walang kukuwestiyon ay pormal na tatanggapin ang liderato ni Dr. Enrico Vasquez bilang bagong pangulo ng samahan.
Kasama sa isasalang ay ang bagong pamunuan din ng Muay na kung saan naupo uli bilang pangulo si Gen. Lucas Managuelod.
Kahapon ay pinapag-ulat na ng POC na pinamumunuan ng pangulong si Jose Cojuangco Jr. si board member at soft tennis federation president Col. Jeff Tamayo sa kanyang nasaksihan sa pagpupulong at halalan na ginanap sa Bacolod City.
“Ang report ko patungkol sa dalawang eleksyon ay para sa POC lamang. Pero sa General Assembly ay iwe-welcome na ng POC ang bagong officials ng PKF at Muay,” wika ni Tamayo.
Matatandaan na naghahabol pa ang kampo ni Go Teng Kok na dating pangulo pero pinatalsik ng sinasabing nakararaming opisyales ng PKF.
Nagtatagisan dati sa posisyon sina Go, na athletics head din, at POC spokesperson Joey Romasanta pero sa nasabing PKF General Assembly at eleksyon ay hindi na tumakbo si Romasanta upang maupo sa pampanguluhan si Vasquez.
Inaasahang magkakaroon din ng ulat ang PSC patungkol sa magagandang nangyari sa POC-PSC National Games bukod pa sa paghahanda ng mga NSAs sa nalalapit na 26th SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre.